Ang Uniporme Kong Satin

by Elder Enrico Belarga
 
Malinaw ko pang naririnig ang malalakas na hagalpakan ng tawanan at pangungutya ng aking mga kaklase habang mataman nilang pinagmamasdan at hinahaplos-haplos ang mala-poon kong kasuotan. Nasa huling taon na ako ng aking pag-aaral sa kursong Nursing, higit na mahaba na ang panahon ng pagtigil sa ospital kumpara sa oras na ginugugol sa eskwelahan.
Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang puti ang kasuotan ng mga taong nasa larangan ng kalusugan gayong ang kulay na ito ang pinakamaselan at madaling dumihan.  Dalawang pares lang ng uniporme ang aking pinagpapalit-palitan, sa kalaunan, ang dating masiglang pagkaputi nito ay napalitan ng pangungutim sa tindi ng alikabok, usok ng mga tambutso ng sasakyan at marahil na rin sa tubig poso na siya naming ginagamit para ito’y malabhan. Napapanahon na rin upang ang mga ito’y palitan.

 

Sa kabutihang  palad, isa sa mga suki ni nanay sa pananahi ay maraming natirang retaso at pinagtabasan, ang problema nga lang, malasutlang satin ang aking pagtitiyagaan. Marahil, kung hihirangin akong Constantino ng Santakrusan, akmang-akma ang aking kasuotan, subalit bilang isang nars, wari bagang masyadong may kaluhuan. Ganunpaman, dahil sa kahirapan ng buhay, natutunan kong pagtiyagaan kung ano ang naandyan. Ang inakala kong magarbong satin, nagdulot sa aking ng kahihiyan. Mistula daw akong santong poon habang kanilang pinagmamasdan, lalo pa nga’t masisinagan ng araw sa katanghalian. Kahit sa gitna ng karamihan, madali daw malalaman, buksan lang daw ang ilaw at makikita ang aking kaningningan. Pero hindi lang doon natatapos ang aking problema, napansin ko rin na kung tag-init, mainit sa katawan ang tela. Dumudulas ang aking mga pawis habang pinagmamasdan ko ang mga patak nito na parang ulan, tuloy-tuloy sa aking talampakan. Sa tuwing umuulan naman, o di kaya’y malamig, problema ko naman ay panginginig dahil malamig ang satin sa kasuotan. Nababagay ito sa tamang panahon lang, hindi mainit o malamig, panahong hindi mo makikita sa Pilipinas, ang lupang sinilangan.
 

Umuwi akong balisa at may pagngingitngit, sinisisi ko ang aking nanay sa siyang punong pinagmulan ng kahihiyan kong sinapit. Sana, hindi na lang niya ako tinahi ng ganitong klaseng damit, sana may pambili kami ng tamang tela, sana binili na lang niya ako sa eskwela kahit mahal ito, sana naisip naman niya na mapagtatawanan ako, sana… at marami pang sanang nasambit. Ang hamak kong ina, na siyang nagtiyagang magdugtong-dugtong ng mga pira-pirasong tela,  na buong pagmamahal na nagpadyak ng makina araw at gabi, na siyang nagtitiis ng paglalaba at pamamalantsa para sa satin kong uniporme, siya pang napagbuntunan ng matinding paninisi. Hindi ko na nga rin maalala kung nakapagpasalamat man lang ba ako sa bago kong damit, o nayakap ko man lang ba siya para sabihing, may patutunguhan ang kanyang pagtitiis. Kulang ang kinikita para sa lumalaki at nag-aaral na mga anak, kulang ang maghapon sa paggawa, sa kakarampot na pera, lahat pinagkakasya, at narito ang nag-aalab na damdamin ng anak, hindi pa rin masaya sa lahat niyang paghihirap.

Hindi ko mararamdaman sa buong buhay ko ang saloobin ng isang ina dahil kahit kailan hindi ako magiging ina. Subalit ang kanilang pagtitiyaga sa araw-araw ay buhay na pagkilala sa isang pag-ibig na dakila. Walang kapalit ang maghapon at magdamag nilang pagpapagal, ang tanging nasa isip lamang ay ang maisaayos ang buhay ng kanilang mga anak. Lahat ng hirap kakayanin, walang hirap na di kayang  suungin, walang kahihiyan na di kaya niyang lampasan. Natutunan ko sa aking nanay na maging matiyaga sa mga tiisin, maging mapagpasalamat sa kung ano mayroon at magsumikap sa gusto mong makamit. Hindi mahalaga kung ano sasabihin ng ibang tao sa kung ano ang iyong suot, gamit at estilo dahil hindi ito ang tunay na pagkatao. Maraming mga tao ang magarang manamit subalit salat naman sa magandang asal at pag-uugali. Ang totoong itinahi sa akin ng aking ina ay ang maayos na pagkatao, ugaling tulad ng satin, nagniningning sa karamihan, na lalo pang nagliliwanag pag nasipatan ng mga sinag ng mga pagsubok at hamon sa buhay, na kayang sumalo ng mga pawis ng mga pag-aalaala at lamig ng pangungulila sa mga mahal sa buhay. Salamat po nanay sa uniporme kong satin, pinagningning at pinagpala nito ang aking buhay.


Leave a Reply