BUHAY AMERIKA: Salamin at Sapantaha

by Elder Enrico Belarga 
 
Pinagmamasdan ko ang mahabang dulang na puno ng pagkain. Bisperas ng bagong taon, panibagong taon, panibagong pag-asa. Sa likod ng magarbo at maingay napagdiriwang ng mundo, narito pa rin ako at nagmumumok sa isang sulok ng bahay na animoy ikinalulungkot ang pagpanaw ng lumipas na taon. Iginala ko ang aking mga mata sa paligid, napansin ko na sa paglipas ng halos apat na taon ng paninirahan ko sa Houston, napakarami ko nang naipundar at nabili para sa aking sarili.

Ang lamesa at prigider, puno ng pagkain na hindi ko kilala, ang mga tukador, nag-uumapaw sa mga damit at gamit na may presyong nakadikit pa, maging ang aking pitaka, bagamat ilang dolyar lang ang barya, siksik ito ng mga tarheta na maaaring iplantsa kahit saang tindahan at kainan, pirma lang ang kailangan. Nag-uumapaw ang Amerika ng maraming mga bagay, sobra-sobra ang biyaya ng Maykapal.

 

Subalit sa kabila ng lahat ng mga nalipon sa hinaba-haba ng panahon ng pagsusumikap at pagpupuyat, nababalot pa rin ako ng pag-aagam-agam, balisa at pangungulila. Hinahanap-hanap ng tainga ko ang ingay ng watusi kasabay ang indak nito sa kongkretong semento, ang palakpak ng mga pla-pla at labintador, ang sunod-sunod na palahaw ng sinturon ni Hudas, ang lahat ng ito sa kasagsagan ng magdamag. Sumasagi sa aking isip ang buhay namin sa Pilipinas, ilang pirasong tinapay, sotanghong lumalangoy sa sabaw, keso de bolang singlaki ng kamao at isang litrong Coke, para sa isang pamilya. Lahat ay nag-aantabay sa pagpapalit ng gabi, bawat pamilya sama-sama, naghihintay na para bagang may darating na malaking bisita. Mga saloobin na hindi ko naramdaman sa pagsulyap ko sa isa na namang taon ng ika-21 siglo.
 
Maraming itinuturong bagay ang Diyos sa ating buhay. Minsan, ipinararamdam sa atin ng tunay na may-ari ng buhay kung nasaan tayo sa mundo at kung ano ang dahilan ng buhay. Sa magulo at mabilis na pagdaloy ng panahon, minsan, hindi man natin aminin, nalilimutan natin ang pinakadahilan kung bakit tayo nabubuhay, at saan patutungo ang ating mga pinaghihirapan. Bago kami nakarating ng Amerika, marami kaming binitawang pangako sa Panginoon, naisin ng aming puso na makapaglingkod at magamit Niya saan mang panig ng mundo, nangakong saan man ihatid ng aming mga paa, Siya ang uunahin at hahanapin dahil may dahilan ang pagkakapadpad namin sa lugar na ito.
 
Subalit habang hinihintay mo ang tamang panahon, nahihila ang isip mo ng mga bagay na nakikita mo sa telebisyon at diario. Sa pagtanggap mo ng una among sweldo, naisip mong maari ka nang bumili ng ganoon at ganito, at sa susunod na sweldo ay may nakaamba muling plano. Hanggang isang araw, kahit ang araw at panahon na para sa pagsamba, kailangang isakripisyo para masunod ang kalimitang luho. Natutunan kong ilinyang muli ang mga mahahalaga sa buhay…ang Diyos, pamilya, kaibigan at iba pa. Minsan tinanong ako ng anak ko bakit kailangan pang sa Amerika kami tumira. Buong pagmamalaki kong tinugon na dito sa Amerika, mabibigyan ko siya ng magandang buhay na hindi ko kaya kung nasa Pilipinas kami.
 
Ngayon, hindi man tahasang iniuusal ng kanyang bibig, inuusig naman ako ng aking konsyensya kung nasaan na ang ipinangakong magandang buhay? Maganda ba ang buhay dahil may mas malaking bahay, kumpleto ng mga kagamitan na akala mo’y sa pelikula lang nangyayari, o dahil sa mga dambuhalang TV at sanlaksang palabas sa cable na tinitingnan mo pa lang ang listahan ng mga posibleng panonoorin ay nakaubos ka na ng halos isang oras? Ang pagmamahal ay humihingi ng panahon, hindi ito ang magandang buhay na ipinangako sa akin ng Diyos, hindi rin ito ang magandang buhay na ipinangako ko sa aking kabiyak at anak.
 
Pinilit kong maisama sila sa Amerika sa kabila ng mga sakripisyo para hindi kami magkakahiwalay at ngayon na nandito kami, para bang nangingibang bayan pa rin ako dahil sa hanapbuhay. Hindi masama ang trabaho, kailangan natin ito, isa itong ministeryo na kung saan ginagamit tayo ng Panginoon, maging nars, guro at teknikal na aspeto, pero sino ang ating prioridad sa hanay ng mga mahahalaga? Ang mga bagay na pinaghihirapan nating bilhin ay mawawalan din ng halaga pag pumanaw ang sigla sa puso dahil ang tunay na ligaya ay nasa Panginoon lang, pagkatapos ay sa pamilya. Ang mas magandang buhay ay buhay na nakalaan sa Diyos, buong pamilya na magkakasamang nagpapagamit sa kanyang layunin.
 

Maraming mga Pilipino ang may maling sapantaha sa buhay-Houston. Maraming naghahangad na makarating ng Amerika para sa mas magandang bukas, walang masama rito, lalo pa nga at batid mo sa iyong puso na bahagi ito ng plano ng Diyos sa buhay mo, huwag lang sanang malilimot ang pinakamahalagang bagay – ang maibalik sa Kanya ang papuri. Ang naging karanasanan ko nitong bagong taon ay mistulang pagsulyap sa salamin, na muling nagpakita sa akin ng tunay na repleksyon ng buo kong pagkatao. Sa salamin, hindi ka makapagsisinungaling dahil ipamumukha nito ang tunay niyang nakikita. Sa salamin, ibinalik ako ng Diyos sa pinakapundasyon ng layunin Niya sa aking buhay, at yon ay ang paglingkuran Siya sa anumang paraaan, sa anumang kakayahan, sa alinmang pagkakataon, saan mang dako ng mundo…Pilipinas man o Houston.


;