May Akda

Kung tunay nga nating pakalili

Dito sa daigdig ating sisiyasatin

Mayroon nga bang natatagong lihim

Sa Dios na may akda ng maaring isipin.

 

Sa pagsilang hanggang sa paglibing

Sa pagbangon hanggang sa pagkakahimbing

Hindi ba’t Siya ang nakakatalos

Anumang ating gawin at ikilos.

 

Ang Dios ang may akda ng bawat buhay

Ang maestrong may hawak ng bawat kulay

Ang kanyang nagdisenyo nitong daigdig

Na siya rin magapasya ng huli nitong pintig.

 

O bakit ang tao ay puno ng pagbalisa

Kung hatid nitong may Amang kumakalinga

Di hamak na dambuhala taglay Niyang hiwaga

Himalang maituturing iniusal Niyang salita.

 

Kung para sa iyo at sa akin

Nananalig na ating Bathala ang may angkin

Bakit hindi ngayon din idulog sa panalangin

Walang hanggang buhay, kamtan at angkinin.

 

Dumaan man ngayon sa mapanganib na landas

Di mababahala sa magkabilang bangin at talampas

Pagkat itong Dios na walang pagkupas

Nakasisigurong sa bisig Niya’y ligtas.

 

Anong suliranin ang masasabing mabigat

Anong karamdaman ang sa lunas ay salat

Anong paghihirapang walang katapat

Sa Dios ko at Hari tapos silang lahat.

 

Sino nga ba ang makapaghihiwalay

Sa atin at sa tunay na may akda ng buhay

Mauubos at mapapaos ang tinig kong taglay

Subalit sa may akda walang makapantay.