Mayroong Himala

Nabalot ng pagkamangha at nag-uumapaw na kagalakan ang buo kong pagkatao, matapos na marinig sa mismong mga labi ng aming mangagagamot na nagdadalantao and aking kabiyak. Buong pusong tinatanggap ng aking kalooban ang magandang balita samantalang naglalaro sa hangin ang hindi makapaniwalang ulirat. Totoo nga kaya itong naririnig ng aking mga tainga o isang panaginip lang na umaaliw sa aking pagkabalisa? Mayroong himala!

Matapos ang halos sampung taong paghihintay, heto ngayon at may pananabik na inaasam-asam ang isang panibagong buhay. Bumilang ng maraming mga araw ang katugunan sa aming mga dasal. May mga gabing hindi dalawin ng antok ang napupugnaw kong katawan, wari bagang hindi pa sapat ang maghapong pagpapagal. Ilang ulit na dinaing ko sa Maykapal na pagkalooban kami ng isa pang supling, tatlong ulit kaming dumaan sa kakaibang paraan ng pagbubuntis sa tulong ng aming doktor at sa bawat pagkabigo, sinusundan ito ng maigting na panlulumo na sumusubok ng katatagan at tiwala sa Panginoon. Ang bawat negatibong balita ay parang balisong na tumatarak sa kailaliman ng aking dibdib. Maraming mga tanong ang pumapailanlang sa kalawakan ng aking diwa, ninais na makaugnay ang Diyos upang personal na itanong, totoo nga bang may himala?

Matapos ang ilang ulit sa eksaminasyon ng dugo, tuwirang tinukoy ng aming doktor na buntis na nga ang aking maybahay. Hindi ito sapat upang mapawi ang balisa at kawalang tiwala. Sa ultrasound ko nakita ang aktual na tibok ng puso ng aking sanggol. Sa bilis at lakas ng tunog nito, kasabay ding lumulukso ang dugo na nagtutulak ng pagtibok ng aking puso. Paanong ang isang gatuldok na nilalang ay nagkaroon ng buhay sa sinapupunan? Sa maliit na similya at itlog na nagtagpo ay nagsanga ang mga bisig at paa, nabuo ang isip at kasarian, nagkaroon ng kaluluwa at karapatan. Paano ipaliliwanag ang ganitong himala na tanging ang Diyos na dakila ang makagagawa? Sino sa atin ang makapagbibigay buhay, ang makapagdidikta ng araw ng pagsilang at pagpanaw? Oo, mga kapatid, kahit sa makabagong, panahon, mayroong himala! 

Kung ating pakalilimiing mabuti, araw-araw ng ating buhay ay isang himala. Himala na pinahihintulutan ng Maylikha ang ating mga buhay samantalang nababatbat tayo ng kasalanan. Himala na ginigising tayo ng ating isip na nagsasabi kung kailan iidlip at gigising, himala na hindi tumatagos ang tubig sa ating mga balat, himala na kahit anong bagay ang itapon natin sa himpapawid, babalik at babalik ito sa sentro ng daigdig. Himala ang tawag sa bawat sakit na gumagaling, sa bawat suliraning nalulutas bagamat hindi maipaliwanag, sa lungkot na napapawi ng halakhak at tapik at sa init ng pakiramdam na dulot ng pag-ibig. Maliit at malaking himala, lahat ng ito ay tumutukoy sa mahabang kamay ng Maylikha, subalit ang tunay na sa aki’y kamangha-mangha, ay sa kabila ng libu-libo at laksa-laksang niyang ginawa, nakukuha ko pa ring magtanong sa kakapalan ng aking mukha, kung totoo nga kayang mayroong himala?


;