Nasa Palad Ng Lumikha

by Elder Enrico Belarga
 
Mahirap malimutan para sa akin kung saan ako nagmula. Puno ng saya at alaala ang aking pagkabata. Napakapayak ang buhay probinsya, mabagal ang pag-usad ng panahon, nakababagot pag minsan subalit dama mo ang bawat araw na may pag-asa. Sa nayon na kung saan ako lumaki, sinasalok ang tubig sa balon at binibitbit ng pingga, binabalanse sa balikat na habang inilalakad mo ay lalo pa ngang bumibigat.
Anong palad kung tag-ulan dahil hindi na kakailanganin pang mag-igib, sisiguraduhin mo lang na malinis ang mga batya at tapayan na ibinilad mo sa nagmamadaling patak ng ulan. Libreng paligo rin para sa mga batang namumutiktik ang likod sa makating bungang-araw.

Tumbang preso, patintero, luksong tinik at taguan ang paboritong libangan. Maagang matulog ang mga paslit dahil may oras din ang rasyon ng kuryente, kaya sa buong magdamag, gasera o hasag lang ang naiiwan mong kakampi. Ang radio o mas kilala sa tawag na transistor ang siyang sentro ng balita, ang pinakamahalagang gamit sa loob ng bahay bago pa man sumikat ang telebisyon. Mga dula na nagpapaikot ng aking imahinasyon, nagpapakaba ng aking dibdib at nagpapatayo ng aking mga balahibo.

 
Pagkagaling ng eskwela, kakailanganing gawin agad ang mga pinauwing aralin at magrepaso para sa kinabukasan, kung mauna ang laro bago ang mga libro, makakaipon ka ng uling sa paligid ng ilong sa usok ng gasera. Bago humapon ang mga manok, kailangan ding nakasoga na si Flora, ang aming inahing baka. Samantalang ang labangan at kural ng aming mga alagang baboy ay dapat malinis na. Hindi ko rin lubos na maisip ngayon kung paanong nakatagal kaming kasama sa kusina ang aming mga baboy na halos ilang dipa lang ang layo sa hapag-kainan. Ang kanilang kulungan ay sanggang dikit sa aming palikuran kung kayat sa tuwing umuupo ako sa aking pang-umagang ritwal, animoy misteryosong pinagmamasdan niya ang aking ginagawa. Naglalaban ang umaalingasaw na amoy ng hayop at tao sa loob ng kapirasong palikuran na kurtina lang ang namamagitan.
 
Ang pagkain ng baboy ang hindi ko halos masikmura, nakasusulasok ang lansa na dulot nito na nanunuot sa balat. Hinahakot ito ng aking tatay mula sa isang kantina ng boys town, mga halos dalawang kilometro ang layo sa amin. Inihihiwalay namin ang mga kanin sa buto ng hindi sila mabilaukan.
 
Ang mga baboy ang aming alkansya, wala kaming ipon sa bangko, hindi dahil sa wala kaming sampalataya sa bangko kundi wala kaming panghulog dito. Walang permanenteng trabaho ang aking ama, umaasa sa bunga ng lupa at katas ng ulan, nag-aalaga ng mga hayop sa silong at bakuran. Magsasakang walang sariling sakahan. Mananahi ang aking ina, pero hindi halata sa kanyang pustura, modistang walang maayos na saplot. Dalawa kaming nag-aaral sa pribadong paaralan samantalang ang bunso namin ay nagtitiyagang makaraos sa karatig na mababang paaralan. Edukasyon ang mabisang sandata sa kahirapan, kaagapay sa pagpanhik sa hagdan ng pag-unlad, anila. Pagtitipid, kasipagan at patitiyaga ang laging paksa ng pang-araw-araw na litanya ng aming mga magulang. Busog sa pangaral ang aming isip habang nangangalam ang sikmura sa kakapusan.

 

Makalipas ang mahigit-kumulang na dalawampung taon, heto ako at binabalikan ang nakaraan habang pinagmamasdan ang mariwasang buhay ng nag-iisa kong anak. Walang pag-aagam-agam, walang pagkabalisa. Palagi kong sinasariwa sa kanya kung saan ako nagmula at kung paanong nakaraos sa buhay sa kabila ng pagiging dalita. Sa tuwing ikinukwento ko ang buhay ko mula sa pagkabata, nakakunot noong iniisip niya kung totoo nga kayang lahat ng aking mga sinasabi.
 
Parang istorya sa isang telenobela, puno ng kulay, lumbay at kwento ng tagumpay. Batid ko bang ito ang kahihinatnan ng aking buhay, may kahit kutob man lang ba ako na iikot ang gulong ng palad at mapapadpad ako sa mas matayog na bahagi ng gulong? Pananampalataya sa pangako ng Diyos o hampas lang ng swerte at pagkakataon na ako’y nasa tamang lugar at panahon? Tinitigan ko siya at tinugon, na ang lahat ng pangyayari sa buhay ng tao, sa maniwala man tayo o hindi, ay batid ng Maykapal. Ang buhay natin, gaano man ito kaliit sa sarili nating paningin, mahalaga ito sa ating Panginoon. Sa paglingon natin sa nakaraan, doon nating mapag-aalamang ang buhay ng bawat isa sa atin ay tunay ngang nasa palad ng Lumikha.  

Leave a Reply